ANG ALEGORYA NG YUNGIB
Ang Alegorya ng Yungib
ni Plato
(Isinalin sa
Filipino ni Willita A. Enrijo)
At ngayon,
sinasabi ko na hayaan mong ipakita ko ang isang anyo na dapat mabatid o hindi
mabatid tungkol sa ating kalikasan: Pagmasdan! May mga taong naninirahan sa
yungib na may lagusan patungo sa liwanag na umaabot sa kabuuan nito. Sila’y naroroon
mula pagkabata, at ang kanilang mga binti at leeg ay nakakadena kung kaya’t
hindi sila makagalaw, hadlang ito sa pagkilos pati ng kanilang mga ulo . Sa di kalayuan,
sa taas at likod nila ay may apoy na nagliliyab, sa pagitan ng apoy at mga bilanggo may daang
papataas. Kung ang paningin mo ay dadako sa mababang pader nito,
maihahalintulad ito sa isang tabing na pinagtatanghalan ng mga puppet.
Nasilayan
ko.
At
nasilayan mo rin ba ang mga taong
dumadaan sa pagitan ng mga dingding na may dala- dalang mga monumento at larawan ng mga hayop na likha sa kahoy at bato?
Ang iba sa kanila ay nagsasalita, ang iba ay tahimik. Naipakita mo sa akin ang kakaiba nilang imahe. Sila nga
ay kakaibang mga bilanggo.
Katulad
natin, ang tugon ko, na ang tangi
nilang nakikita ay pawang
sarili nilang mga anino?
Totoo, ang
sabi niya, paano nila makikita ang ano man kung hindi sila pinahihintulutang
gumalaw maging ang kanilang mga ulo? At may mga bagay na dapat lamang dalhin sa
paraang dapat lamang makita ng mga anino? Oo, sabi niya. At kung nakaya nilang
hindi sumang-ayon sa isa’t isa, hindi ba nila ipinalalagay na sila ay tumutukoy
ng kung ano pa man para sa kanila?
Tunay nga.
At sa higit pang pagpapalagay na ang mga
bilanggo ay may alingawngaw mula sa ibang dako, hindi ba nila natitiyak na baka guniguni lamang ito ng isang dumaan at
may ipinagpapalagay tungkol sa pinagmumulan ng tinig?
Walang
tanong-tanong, ang tugon.
Sa kanila,
ang sabi ko, ang katotohanan ay walang kahulugan kundi ang anino ng mga imahe.
Iyan ang tiyak. Ngayon, balikan muli natin kung ano ang likas na magaganap kung
sakaling ang mga bilanggo ay maging malaya at di maaabuso sa kanilang pagkakamali.
Sa una, kung ang isa sa kanila ay mapalalaya at biglang tumayo, lumingon,
lumakad at tumingin patungo sa liwanag. Magdurusa sa sobrang sakit. Ito mismo
ang magpapalungkot sa kaniya. Gayundin hindi niya makikita ang dati niyang
kalagayan sapagkat ang tanging nakikita
niya ay mga anino lamang. Pagkatapos isaisip, tinuran ng isa na ang kaniyang nakita noong
una ay guniguni lamang, ngunit ngayon, siya ay papalapit na sa pagkatao.
Nakikita niya, mayroon na siyang
maliwanag na pananaw- ano ang magiging tugon niya?
O kaya’y,
maaari mong isipin na ang kaniyang guro ay nagtuturo ng mga bagay na dapat niya
lamang kilalanin. Hindi ba siya nagugulumihanan? Hindi kaya siya mahumaling na ang anino na
kaniyang nakita noong una ay mas tunay
kaysa mga bagay na nakikita niya sa kasalukuyan?
Malayong
katotohanan.
At kung
siya ay napilitang tumingin nang diretso sa liwanag, wala ba siyang nararamdamang sakit upang siya’y magkubli sa
nakikitang bagay? Kaniya bang aakalain na siya ay nasa katotohanang mas
maliwanag kaysa mga bagay na nakikita sa kasalukuyan?
Totoo, ang
sabi niya.
At kung
ipinalalagay pang muli na siya ay atubiling hinila pataas sa matarik at
bako-bakong daan hanggang sapilitan siyang makarating sa harap mismo ng araw,
hindi ba siya mahihirapan at magagalit? Kapag nilapitan niya ang liwanag, ang kaniyang
mga mata ay maaaring masilaw at hindi niya magagawang makita ang mga bagay-bagay
sa kasalukuyan - ang katotohanan.
Hindi muna
sa kasalukuyan, sabi niya.
Kailangang
mahirati ang kaniyang paningin sa dakong itaas ng mundo. At makita niya nang
maliwanag ang mga anino, kasunod ay ang repleksiyon ng tao at iba pang bagay sa tubig, at ang mismong mga
bagay. Pagkatapos, tititig siya sa liwanag ng buwan at mga bituin, at sa
maningning na kalangitan; at kaniyang makikita ang ulap at mga bituin sa gabi
nang mas maningning kaysa liwanag ng
araw na hatid ng umaga.
Tiyak.
Higit sa
lahat, magkakaroon siya ng kakayahang makita
ang araw, hindi lamang ang repleksiyon niya sa tubig kundi makikita
niya ang sarili sa kinaroroonan, at
hindi sa iba pa man, at siya ay makapagninilay-nilay kung sino siya.
Tiyak.
At siya ay
makararating sa pagtatalo na siya mismo ay naglaan ng panahon. At ang gumagabay
sa lahat ng ito ay yaong nakikita sa mundo, na naging dahilan upang siya at ang
kaniyang kapwa ay masanay sa pagtitig.
Maliwanag,
sabi niya, una niyang makikita ang liwanag pagkatapos ang dahilan tungkol sa
kaniyang sarili. At kung maalala niya ang dating tahanan, at ang karunungan sa
yungib pati ang mga kapuwa bilanggo, hindi ba niya maipalalagay na mapaliligaya
niya ang sarili sa pagbabago at kaawaan na lamang sila?
Tiyak at
tumpak.
At kung
sila ay nasanay na sa pagtanggap ng mga karangalan sa kung sino sa kanila ang mabilis
na makapuna sa pagdaan ng mga anino at makapagsabi kung sino ang nakaranas
niyon dati? Kung sinuman ang makapagpapasiya nang mahusay para sa kinabukasan,
sa iyo bang palagay sino ang makapag-iingat sa tinatawag na dangal at
kaluwalhatian? O kaya’y kainggitan ba ang may taglay nito? Hindi ba niya babanggitin
ang tinuran ni Homer.
“Mas
mabuting maging mahirap na alipin ng dukhang
panginoon.” At matututuhang tiisin ang mga bagay kaysa isaisip ang
kanilang ginagawa at mamuhay katulad ng kanilang gawi?
Oo, ang
sabi niya. Sa palagay ko ay pipiliin niyang magtiis kaysa aliwin ang mga huwad
na akala at mabuhay sa kahabag-habag na kalagayan.
Para
makatiyak, sabi niya.
At kung
mayroon mang paligsahan, at kailangan niyang makipagtagisan sa pagsukat sa mga
anino kasama ang mga bilanggo na kailanman ay di nakalaya mula sa yungib. Sa
sandaling ang paningin ay nananatiling mahina, at bago ito maging matatag (may
dapat isaalang – alang sa panahon na kakailanganin upang makamit ang bagong
kalagayan ng paningin) hindi ba siya katawa-tawa? Sasabihin ng tao sa kaniya na
ang pagpunta at pagdating niya nang wala ang mga paningin ay mas mabuti na
hindi na lamang isaisip ang pag-unlad. At kung sinuman ang sumubok na palayain
ang iba at gabayan patungo sa liwanag;
hayaang hulihin ang nagkasala at dalhin nila
sa kamatayan.
Walang
tanong, ang sabi niya.
Ito ang
kabuuan ng alegorya, ang sabi ko; maaari
mong dagdagan mahal kong Glaucon ang mga
dating katuwiran. Ang bilangguan ay mundo ng paningin, ang ilaw ng apoy ay ang
araw. Hindi mo ako mamamali kung ipakakahulugan mo na ang paglalakbay papataas
ay maging pag-ahon ng kaluluwa patungo
sa intelektuwal na mundo batay sa mahina kong paniniwala. Aking ipinahahayag, ito ay batid ng Diyos maging
tama man o mali. Ngunit tunay man o huwad, ang aking opinyon sa mundo ng
karunungan ay ito, ang ideya ng kabutihan ay nananatili sa huli at matatagpuan lamang
nang may pagpupunyagi; at kapag ito’y natagpuan, ang lahat ng bagay na maganda
at tama sa daigdig at ang pangunahing pinagmumulan ng dahilan at katotohanan ay yaong sinumang
may kapangyarihang kumilos nang may katuwiran sa publiko o pribadong buhay.
Samakatuwid kailangan na ang kaniyang mga mata
ay may matibay na tuon para sa mga bagay na ito.
Sumasang-ayon
ako, sabi niya, hanggat may kakayahan akong maunawaan ka.
At ang sabi
ko, huwag kang magtaka sa iba na may magandang pananaw na ayaw man lang
magbahagi para sa kapakanan ng tao; para
sa kanilang kaluluwa sa itaas ng mundo ay madali lamang kung saan sila’y
naghahangad na manirahan; magiging likas ang kanilang paghahangad, kung ang
ating alegorya ay mapagkakatiwalaan.
Oo, tunay
na likas.
At mayroon
bang bagay na nakapagtataka sa mga taong nakadaan mula sa banal na
pagninilay-nilay patungo sa makasalanan nilang kalagayan o gumawa ng labag sa
kagandahang-asal? Samantala, habang ang kaniyang mga mata ay kumukurap bago
siya mahirati sa kadiliman, siya ay mapipilitang lumaban sa korte o sa ibang
lugar, tungkol sa anino ng imahe ng katarungan at magpupunyaging maunawaan nang ganap ang
katarungan.
Anuman,
ngunit kamangha-mangha ang kaniyang tugon.
Sinuman
ang may wastong pag-iisip ay mababatid
na ang pagkalito ng mga paningin ay dalawang uri o nanggaling sa dalawang
dahilan, maaaring mula sa paglabas ng liwanag o patungo sa liwanag. Kapag
nakita niya na sinuman na may pananaw na magulo at mahina ay masasabing hindi
pa handang humalakhak. Una niyang itatanong kung ang kaluluwa ba ng tao ay
maghahatid nang maliwanag na buhay? O kaya’y maglalapit mula kadiliman patungo sa araw na labis na
nakasisilaw? At kaniyang bibilangin ang maligayang kalagayan niya, at siya ay
maaawa sa iba, o kung nasa isipan man niyang pagtawanan ang kaluluwa na
nanggaling mula ilalim patungo sa liwanag, mayroon pang mga dahilan bukod dito
kaysa mga halakhak na bumati sa kaniya at bumalik mula sa itaas ng liwanag
patungo sa yungib.
Iyan, ang
sabi niya na dapat itangi.